Articles Archive
|
|
|
|
Kabaliwan raw ang magbisikleta ngayon sa lungsod. Kung hindi ka madadagit ng mga rumaragasang sasakyan (nagmamadali kasi lahat, naantala na sa trapik), lalasunin ka naman sa buga ng usok ng mga ito. Taun-taon ay nadaragdagan pa ang 3.5 milyong de-motor na sasakyan na nasa Metro Manila ngayon. Paanong hindi, kung marami sa atin ang tumatakas sa mausok na lansangan sa pamamagitan ng pagbili ng pribadong sasakyan. Mas malaki mas mainam, mas siga sa daan. Talagang masikip na nga ang lungsod para sa isang taong nakasakay sa kanyang bisikleta. Pero taun-taon rin, ginaganap ang Tour of the Fireflies, isang pagdiriwang sa pagbibisikleta sa lungsod at mapayapang kilos-protesta laban sa nakamamatay na usok mula sa mga sasakyan. Sa ika-7 taon ng Tour, ang napili naming tema ay laro sa sigaw noong dekada '70: "Maki-Bike Ka! Sa ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan." Nais naming buhayin ang diwa ng pakikiisa at pakikibaka ng dekada '70. Ito ang panahon ng paglabas natin mula sa pagtatago (sa loob ng sasakyan, sa bahay, sa mga gusali) at lantarang pagpapahayag ng ating saloobin sa lansangan kung saan tayo nakikita at naririnig. Isa rin itong pagbabalik sa nakaraan noong hindi pa parusa ang bumiyahe patungo sa ating mga tanggapan at paaralan, noong hindi pa kumukulo ang dugo natin sa pagtahak sa ating mga kalsada, noong hindi pa tayo unti-unting nalalason sa hangin sa Kamaynilaan, at noong nasisilayan pa natin ang mga alitaptap sa ating mga bakuran. Ang "Maki-Bike Ka!" ay sabay na paanyaya at hamon sa atin. Hindi na sapat ang umiling at bumuntong-hininga na lang sa suliranin ng polusyon sa hangin. Kailangan na ang militante subalit mapayapang pagkilos. Huwag na nating hintayin ang kaligtasan mula sa mga namumuno. May kakayahan tayo na simulan ang pagbabago, may kapangyarihan ang pagsasama-sama nating pagpapakita ng alternatibong sagot sa problema: ang bisikleta. Maligayang pamimisikleta, kapwa-siklista! ### Si Roche (si_roche_ito@yahoo.com) ay isang miyembro ng Firefly Brigade, freelance writer, marine conservation advocate, at part-time student. |
||
_ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _ _
